Noong nakaraang dalawang taon, ginamit ko ang salitang "Au Revoir" na nasa wikang Pranses din na ang ibig sabihin ay paalam. Sa taong ito, maaari ko naman gamitin ang parehong salita o di kaya ay isalin na lamang ito sa iba pang lengwahe para mayroong dating. Para kuwari ay multilingual. Pero wala lang, pinili ko lang na panindigan ang wikang Pranses. Pero ginamit ko naman ang salitang salamat dahil lubos ang pasasalamat ko sa pagdaan ng taong 2014.
Bakit nga ba nais kong magpasalamat sa taong 2014?
Simple lang. Napaka cliche pero totoo. Marami kasi akong naranasan sa taong ito. Mas mahihirap, mas challenging kumbaga. Yung tipong dumating sa punto na walang wala na akong tiwala sa sarili ko. Yung kung dati hanggang salita lang ako na gusto ko nang mawala sa mundong ibabaw pero sa taong 'to, naihanda ko na yung sarili ko. Yung tipong 1mm nalang at mula sa pinakatuktok ng naabot ko sa buhay magdadive na ako sa lupa. Masakit yun, pag nagkataon. Iba kasi yung impak eh! Kung tutuusin naramdaman ko na yung impak eh. Nasaktan na ako. Kasi masasabi kong sinalubong na ng mukha ko yung lupa pero nilagyan kong 1mm na allowance kasi kung wala edi sana walang wala na ako sa ngayon at di na ako nakakapagbahagi nito sa inyo. Sinwerte pa rin naman ako at hindi ako pinabayaan ng Diyos.
Bukod dito ay marami rin akong natutunan. Mga bagay na hindi ko inaakalang kailangan pang maituro sa akin dahil akala ko ay alam ko na. Pero ganun yata talaga. Minsan kahit alam na natin yung totoo hindi tayo naniniwala dahil akala natin kaya nating kontrahin. Kaya ayun, minsan pinapamukha satin yun sa isang di kagandahang paraan. Pero ayos lang, may matututunan at may matututunan pa rin naman tayo eh.
------
Pagbabalik tanaw sa 2014 (kada tatlong buwan)
UNANG TATLONG BUWAN (ENERO-MARSO)
Naging masayang simula ang unang tatlong buwan na ito. Hindi nga dumaan o sumagi man lamang sa aking isipan na ito'y masusundan ng mga malulungkot na tagpo sa aking buhay. Lalim ba? Pero seryoso. Sana pala sobrang inenjoy ko nalang yang tatlong buwan na yan. Hindi ko dapat hinayaan na lumipas ito na hindi ko man lamang sinulit.
Wala namang akong masiyadong naiisip na masamang nangyari sa panahong ito kaya hindi ko alam kung ano ang maibabahagi ko. Siguro di ko nalang nakikita dahil ngayon ko lamang nakikita ang kagandahan nito dahil tapos na. Pero hindi naman siguro masamang magbahagi ng magandang kaganapan, ano?
Ika-22 ng Enero ng magkaroon ng programa ang GSP sa eskwelahan namin kung saan kami ay nagtungo sa isang malapit na simbahan na tinatawag na Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de Guia Parish o mas kilala bilang Ermita Church. Dito, kami ay nakipag halubilo sa mga bata na walang maayos na tirahan at hindi nakakamtan ang mga bagay na dapat sana'y kanilang tinatamasa. Sobrang nakakataba ng puso dahil hindi naging maayos ang takbo ng araw na iyon para sa akin. Sobrang sabog ko sa sobrang bad trip pero pagpasok ko, ang dami naman namin pero nakakatuwa at maraming bata ang sa akin lumapit at niyaya na ako sa inihanda nilang upuan para sa akin. Akala sigura nila, kasamahan nila ako. Biro lang! Haha. Sobrang nakakatuwa, dahil kahit na ganun yung kalagayan nila, sobrang saya nila at para bang wala silang problema. Hindi na sila naghahangad ng kung ano pa man, kontento sila at patuloy lang nilang tinatanggap ang mga biyaya ng Diyos sa kanila. Marahil dahil rin sa tuwa, ang ilan sa mga kasamahan ko ay lumapit na rin sa mga batang tumawag sa akin. May bata pa nga doon na napakahilig magpakalong, pero sa sobrang tuwa, ayun, pinagbigyan ng lola mo. Haha. May isa ngang bata eh, si Danny. Siya yung pinaka tumatak sa akin. Paano ba naman kasi, sobrang bait na bata. Marunong makisama. Tapos habang naghihintay kami ng sundo namin nag kwentuhan kami. Marami na siyang alam, at alam niyang mali ang mga bagay bagay at nangako siyang hindi niya ito tutuluran. May pangarap yung batang iyon, pangarap na ipinagdadasal kong matupad. Nangako ako sa kanyang babalikan ko siya, pero hindi ko pa nagagawa. Wala 'tong sparks, wag kayong mag-alala. Sabi ko kasi pagbalik ko kakamustahin ko siya tapos ililibre ko siya sa kalapit na fastfud dahil paborito daw niya ang Spaghetti dito. Dapat sana'y pupuntahan ko siya noong 29, kaya lamang hindi natuloy. Hindi naman masamang ihabol ang regalo sakanya kahit na tapos na ang Pasko at kahit na sa sumunod na taon (2015) na, diba? Narito nga pala ang ilang litrato mula sa araw na iyon. Maniwala kayo, sinubukan kong mag mukhang katanggap-tanggap sa mga litrato nung araw na yun, pero yan lang talaga ang kinaya ko.




May dalawang maliit na bagay pang nangyari sa panahong ito. Maliit pero nakakatuwa. Ika-12 ng Marso ng makatanggap ako ng napaka espesyal na regalo. Maaring hindi na ganun kalaki ang importansya ng bagay na yun sa iba, pero sakin, napakalaki pa rin. Hindi dahil nais ko pa rin ang sinasagisag nun, bagkus ay dahil isa itong ala-ala na maari kong mabalik-balikan.
Noong ika-14 naman ng Marso, sa kasagsagan ng rush our, ako ay pauwi. Naisipan kong sumakay na lamang ng tren dahil siksikan man, kapag ika'y nakasakay na, mabilis ka nang makakarating sa iyong paroroonan. Eh medyo sanay naman na ako sa pakikipagsiksikan doon kaya push. Kaya lang nagkataong pagod na pagod ako nun. Pero hindi ko ito inalintana at pinilit ko pa ring makapasok sa unang tren na dumaan kahit na ang ilan sa mga naunang dumating sa akin ay nagdesisyon nang hintayin na lamang ang susunod na tren. Sa sumunod na estasyon, sobrang tulakan ang mga taong nagnanais na makasakay sa tren at makauwi na dahil miss na miss na nila ang kani kanilang mga kama. Kahit na sobrang pagod ako ay nilabanan ko pa rin ang agos ng mga tao. Nang napansin ito ng isang babae ay hinawakan niya ako at sinabing "Holdap to!" HAHAHA biro lang ulit. Sinabi niya sa akin na baka mahulog ako kaya't hinawakan niya akong mabuti. Hindi lamang isang beses, kundi dalawang beses niya itong ginawa. Alam kong hindi sanay sumakay doon ang babaeng iyon dahil narinig ko ito mula sa malakas na boses ng kaibigang kanyang kasama. Gayunpaman, saludo ako sa kanyang pagtulong sa kanyang kapwa!
PANGALAWANG GRUPO NG TATLUHANG BUWAN (ABRIL-HUNYO)
Hay eto na. Eto na yung mga panahon na nagaalinlangan na yung paligid ko kung karapat dapat ba akong sumaya. Medyo magulo, pero kinaya. Pero siyempre unahin ko na muna ikwento yung maliit na bagay uli na nagpasaya sa akin. HAHAHAHA =)))
Ika-8 ng Abril, nakikinig ako sa isang segment sa radyo na pinangungunahan ni Papa Jack. Na-carried away ako sa caller, at ayun! Kung ano ano tinitweet ko, mga opinyon at reaksyon ko. At etong malupet, minention ko pa si Papa Jack! And what did I get in return? Minention niya rin ako on air!!
Mabilisang kwento, noong ika-13 naman ng Mayo, ang dami kong ginawa sa unang pagkakataon. Katulad ng pumunta ng Pasig na walang kasamang kapamilya, magtaxi mag-isa, at marami pang iba!Noong ika-19 naman ng parehong buwan, nakita ko sa isang mall sa Pasay si Yexel, kapatid ni Jam ng Jamich na isang sikat na magkarelasyon at youtuber.
Noong ika-31 naman ng Mayo ay naranasan kong magsagala muli sa ikalawang pagkakataon. Sa puntong ito, nagsilbi naman akong Reyna Elena ng prosesyon. Hindi na ako naghanap ng makakapartner pero kahit na medyo huli na, hinanap parin nila ako. At ayun, naging kaibigan ko naman yung naging kapartner ko. Narito ang ilan sa mga larawan:
Noong Hunyo naman, malamang ay simula na ng pagpasok sa eskwela at ayun! Medyo naging mahirap dahil sa paglipat at dahil na rin siguro sa mga kaganapan sa eskwela kahit na kasisimula pa lamang. Kung nung nakaraang taon ay nakakapanibago, mas nakakapanibago nang mga panahong ito. Sinubukan naming (yung tao ring tinutukoy ko sa naunang post) mag survive, kinaya pero huling mga sandali nalang pala yun.
IKATLONG GRUPO NG TATLUHANG BUWAN (HULYO-SETYEMBRE)
HA HA, noong ika-7 ng Hulyo lang naman ang pinaka highlight ng buhay ko sa taong ito e. Kaya lang, negative siya. Pero may mga pagkakataon na yung mga pangit, nagdudulot ng maganda. Siguro nung panahong yun, di ko pa nakikita. Pero nung natanggap ko, dun ko lang nakita yung magandang side. Ano ba kasing nangyari? Simple lang. Lumayo yung taong ayokong umalis. Yung taong laging nandiyan, sana. Yung taong sobrang halaga sa akin. Pero ganoon talaga. Wala tayong magagawa. Kapag ayaw na nilang manatili sa buhay natin, hayaan na natin.
Sa buong Hulyo pa lamang ay marami na akong naging mga tanong, at mga bagay na nabubuo sa aking isipan. Minsan kapag may naiisip ako, nakakapag desisyon na rin ako sa huli. Napansin ko nga na minsan kapag naniniwala tayo sa isang bagay, kahit na anong negatibo sabihin ng iba, naniniwala pa rin tayo. Minsan sinasabi ng iba na kalimutan nalang natin yung nakaraan at tanggapin pero minsan mahirap sundin lalo na pag alam nating di naman natin gustong kalimutan. Kaya nung panahong yun, tingin ko, tama sila, na kailangan ko nalang tanggapin. Pero sabi ko rin na hindi ko pa kakalimutan. Kung ano lang muna yung pwede, ayun na muna. Naisip ko rin nun na siguro dadating din yung panahon na maiintindihan nila kung bakit sobrang kapit ko sa bagay na yun, o maiintindihan ko kung bakit ganun sinasabi nila. Nilagay ko sa isipan ko na hihintayin ko yun at na siguro dadating din yung araw na mapupunta sa akin kung ano yung dapat lang na sa akin. Paulit-ulit kong sinasabi sa isip ko na mangyayari lang yun kapag nalinawan na ang lahat at na hanggang sa mangyari yun, susubukan kong magpakatatag.
Sa sobrang apektado ko sa mga bagay bagay, hindi na ako nakakapag focus sa eskwela. Ayun, napansin ng aking mga guro. Pero hindi sila nagagalit, sa halip ay cinocomfort ako. Nangyari nga na ginawang topic ang love at infatuation para siguro mapagsabihan ako indirectly. Nagiwan pa nga ang isa sa mga guro ko ng katagang "Wag na wag mong sisirain ang sarili mo para sa isang tao lang." Noon, ang dami kong tanong gaya ng "Kahit mahal mo?", "Kahit na di mo na kaya?", at marami pang iba. Pero ngayon, nalaman ko ang sagot, OO! Kailangan may pake ka sa sarili mo. Di ka selfish pero isipin mo rin magiging lagay mo.
Sa sobrang dami naman ng tanong sa isip ko hindi ko na alam kung paano ko sila sasagutin. Habang may tanong na nabubuo, may panibago nanaman akong naiisip. Ilan sa mga ito ay :
1. Bakit minsan tayo na nga yung nakakasakit tapos tayo pa yung galit?
2. Bakit may mga bagay na kaya nating simulan pero di kayang tapusin?
3. Bakit may mga bagay na sa simula lang natin napapanindigan?
4. Bakit may mga taong pinagtatabuyan tayo at di naaappreciate mga bagay na ginagawa natin?
5. Bakit may mga taong kahit na tinutulak na tayo palayo, tuloy pa rin tayo sa paglapit?
6. Bakit may mga taong kayang kaya bitawan yung mga bagay bagay na di mo kayang bitawan?
7. Bakit may mga bagay na akala natin pantay lang pero lugi pala tayo?
8. Bakit may mga taong ang bilis bilis sumuko at makalimot?
9. Bakit kumikitid utak ng ibang tao once nagdecide na sila?
10. Bakit may mga pagkakataon na kahit ano tinitiis nalang natin para lang makuha gusto natin kahit sobra na?
Hindi ko masagot yung sarili ko dahil hindi ko rin alam at naguguluhan ako. Hindi ko alam kung kanino pa magtatanong dahil walang makikinig. Hanggang sa umabot sa puntong kinailangan ko na kumausap ng psychiatrist. Kahit anong subok, hindi ko nagawang sabihin sakanya ang lahat lahat. Binigyan niya ako ng gamot at sinabing "If you don't treat, this will happen again and again and it will be worse the time it repeats itself." Oo, umepek naman kahit papaano.
Noong Setyembre naman, isa lang naging memorable sa akin bukod sa mga sakit na naramdaman ko. Hindi ko na siguro ikekwento dito para sa ikabubuti ng lahat. Pero sa mga nakasama ko... MAY BARIL! MAY BARIL!! =))))) HAHA.
HULING TATLONG BUWAN (OKTUBRE-DISYEMBRE)
Nung pumasok yung Oktubre, maayos naman kahit papaano. Hanggang sa nagkaroon ng isyu sa gitna namin ng mga kaklase ko. Ang gulo. Nakakainis, sobra. Pero kinaya ko sa tulong ng mga tunay na kaibigan.
Noong Nobyembre naman ay umattend kami isang masayang pagpupulong. Kasama ko ang karamihan sa mga nakasama ko rin sa MAY BARIL EVENT. Hahaha! Hindi nga lang lahat. Bago magtapos ang buwan na ito, nagkaroon din ako ng pagkakataon na makapunta sa Studio ng isang programa sa TV sa tanghali. Nakakatuwa, dagdag nanaman sa mga bagay na naranasan ko!
Noong ika-4 nang Disyembre ay nagkaroon ako ng pagkakataon na sumama sa aking guro na magtungo sa Laguna upang makita at mapag-aralan ang mga uri ng bigas sa IRRI. Ito ay proyekto ng ASPNET UNESCO. Pagkatapos ay nagpunta kami sa Philippine High School for the Arts na nasa taas ng bundok. Tunay na magagaling ang mga mag-aaral dito!
At ang pinaka da best, sonic!! Sobrang saya lalo na at masaya kasama yung mga nakasama ko. Maraming salamat sa inyo!
Hindi ko na iniisa-isa pa ang mga tagpo na konektado sa paangyayaring sobrang nakasakit sa akin, pero masasabi ko na sobrang dami kong natutunan. Unti-unti, dahan-dahan, pero marami. Lahat ng iyon, mananatili sa puso at isipan ko.
Para pikliin ang aking nadama sa mahabang taon na ito, heto ang masasabi ko:
Napakarami ng aking hinarap sa taong 2014. Lahat ng mahihirap, kinaya ko. Yung mga akala ko, na mali pala. Yung mga pangakong sinabi sakin, na napako lang. Yung mga pangarap na pinangarap ko ng may kasama, na akin nalang ngayon. Lahat ng yan, pahahalagahan ko pa rin, hanggang sa huling sandali. Mga magagandang bagay man na naging di kagandahan, nagsisilbi paring alaala ng nakaraan. Di magandang umasa, dahil baka masaktan lang. Pero hindi naman imposible na ang di kagandahang bagay ay magbunga ng magandang bagay.
Nakakalungkot na may mga taong nandiyan sa tabi mo ng panandalian lamang at iiwan ka rin. Nakakalungkot na mahirap nang maghanap ng maasahan sa panahon ngayon. Kakaiba ang hirap sa paghahanap ng taong mapapagkatiwalaan. Gayunpaman, hindi ko parin nakakalimutang maging masaya para sa mga taong nandiyan para sa akin, sa tabi ko, kahit na ano ang mangyari! Maging masaya dahil nakayanan kong lagpasan ang taong 2014 ng may ngiti sa aking labi na akala ko ay matagal nang nawala.
Nakakatuwang naranasan ko ang mga bagay na negatibo dahil natuto ako. Natutunan kong ligpitin ang sarili kong kalat. Natutunan kong pulutin ang mga piraso ng sarili ko at pagsama-samahin ito muli hanggang sa mabuo. Natutunan ko na may mali sa pagpapakasigurado. At higit sa lahat, natuto akong lumapit sa Diyos ng mas maayos!
Ang lahat ng bagay, pag inalay mo sa Diyos, ay magbubunga ng mabuti. Kaya't sa araw-araw sana'y ating imbitahan ang Diyos sa ating puso upang sa ati'y ituro ang tamang daan. Sa taong 2014, ang mga problema ang nagsilbing daanan upang ako'y mas mapalapit sa Diyos at upang makilala ang mga bagong biyaya ng Diyos sa buhay ko at lubos lubos ang aking pasasalamat!
Sa taong 2014, naransan kong ngumiti, tumawa, malungkot, umiyak at mawasak ngunit ang lahat ng to ay hindi ko pinagtabuyan bagkus ay bukas palad kong tinanggap at naging kuntento.
------
PS, hahahaha grabe, kakaiba sa tenga yung mga tagalog ng buwan!! HAHAHA
PPS, inaantok na ako. Alas kwatro na, pasensya na kung eto lang natapos ko. Di ko na talaga keri.
------
Ang lahat ng bagay na tinatamasa mo ay nanggaling sa Diyos kaya't magpasalamat ka!
Alam ng Diyos ang ginagawa niya, huwag mong kwestyunin. Alam niya ang tamang panahon, kaya't huwag mong pangunahan. Kapit lang! Dasal dasal lang! Tangapin mo nalang kung ano ang ibigay sa iyo at magpasalamat!
Merci, 2014!
No comments:
Post a Comment